Kwento ng Dalawang taong Gulang na batang sumagip sa kanyang kakambal matapos maipit sa natumbang dresser
Larawan ay mula sa Youtube Video |
Balikan natin ang kuwento ng isang dalawang taong gulang na batang sumagip sa kaniyang kakambal matapos maipit sa natumbang dresser.
Noong Enero 04, 2017, nakapanayam ng CNN ang pamilya Shoff tungkol sa nangyaring insidente sa kanilang bahay. Naglalaro kasi sa kuwarto ang kambal nilang anak na noo’y dalawang taong gulang pa lamang. Bigla silang umakyat sa dresser subalit natumba ito. Sa kasamaang palad ay naipit ang isa sa kanila. Ngunit ilang minuto lamang ay nagawa nitong makalabas mula sa ilalim ng natumbang dresser sa tulong ng kaniyang kakambal.
Larawan: Screenshot mula sa CNN interview |
Ayon sa ina nilang si Kayli Shoff, siya raw ang unang nakaalam ng pangyayari. Mayroon daw kamera sa silid ng kambal na nakalagay sa ibabaw ng dresser. Subalit nang makita niya raw na nakatumba na ang dresser at wala nang makitang mga bata, dali-daling bumangon at bumaba raw ng kanilang silid si Kayli. Subalit nang marating na raw niya ang pinto ng kuwarto ng kambal ay tila naglalaro lamang daw ang dalawa at wala siyang narinig na kahit anong pag-iyak.
“My heart dropped,” ani naman ng kanilang amang si Ricky Shoff. Ni-review daw nilang mag-asawa ang kuha ng kamera at nagulat sila nang mapanood ang buong pangyayari.
Ilang araw daw nilang pinag-isipan kung ibabahagi ba nila sa ibang tao ang nangyari sa kanilang dalawang anak. Subalit napagdesisyunan daw nilang ilabas ito sa online world upang ipaalam sa mga magulang na dapat ay inilalayo raw talaga sa mga bata ang mga gamit na maaaring makasakit sa kanila.
Matapos daw ang insidente ay tinanggal na nila sa kuwarto ng kambal ang nasabing dresser. Ganito rin daw ang ginawa ng ibang mga magulang sa kanilang mga gamit nang mapanood ang video ng kambal na anak nina Kayli at Ricky.
Source: CNN - Youtube Channel
Source: Furry Category
No comments