Sila ang nagtanim, sila ang walang makain
Larawan ay mula sa Facebook |
Pamilyar ka ba sa awiting “Magtanim Ay Di Biro”
Ito ang mensahe ng nasabing awitin: “Magtanim ay di biro/ Maghapong nakayuko/ Di naman makatayo/ Di naman makaupo. . . Bisig ko'y namamanhid/ Baywang ko'y nangangawit/ Binti ko'y namimintig / Sa pagkababad sa tubig. . . Kay-pagkasawing-palad/ Ng inianak sa hirap/ Ang bisig kung di iunat/ Di kumita ng pilak.”
Hindi talaga madali ang gawaing pagsasaka.
Larawan ay mula sa Facebook |
Sila ang nagtanim, sila ang walang makain — Tipikal na senaryo sa sektor ng pagsasaka. Kasabay ng pandemiya at krisis pangkalusugan ay ang patuloy na pagbaba ng presyo ng palay. Lugi at kaawa awa, perpektong depinisyon ng pagiging magsasaka sa ating bansa.
Tinatayang 1.5 milyong magsasaka ang apektado sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay. Daing nila'y mas mura pa ang isang kilo ng palay kasya sa face mask. Sa makinarya, pesticides, pataba at patubig pa lamang ay luging lugi na ang mga magsasaka.
Isa sa mga aksyong minumungkahi ni Senator Francis "Kiko" Pangilinan upang maibsan ang krisis na ito ay ang pagaabot ng pinansyal na ayuda sa mga magsasaka na magmumula sa pondo ng Rice Liberalization Law (RLL) . Tinatayang P10.728 bilyon ang pondo sa ilalim ng RLL. Ang P728 milyon sa halagang ito ay ang pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Program (RCEP), na siyang maaaring gamitin upang mabigyang ayuda ang 72,800 na pamilya ng magsasaka sa halagang P10,000 bawat isa. Ang hakbang na ito ay dapat gawing agaran. Hindi biro ang krisis na ito lalo na't patuloy sa pag-aray ang mga pilipinong magsasaka ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay wala pa ding konkretong aksyon na nilalatag ang gobyerno.
Kung tutuusin, maliit na halaga lamang ang 10B upang mabigyang katarungunan ang matagal nang dagok sa industriya ng pagsasaka. Agrikultura ang isa sa kinakailangang sektor ng bansa. Aminin man natin o hindi, ang sektor na ito ay naisasa-walang bahala maaaring dahil ang atensyon ng gobyerno ay nasa ideyolohiyang pag-iindustriyalisa ng bansa kaysa sa pagpapayaman sa sektor ng pagsasaka.
Mabigyan nawa ng opurtunidad ang mga magsasaka ng makatarungang presyuhan. Pundasyon nila ito sa pangaraw-araw. Ang sampung piso hanggang dose pesos ay hindi sapat at sadyang maliit bilang pamalit sa maghapong trabaho sa ilalim ng arawan. Magsasaka ang mga taong naghihirap upang malagyan ng kanin ang ating bawat hapag kainan. Magsasaka ang naghihirap upang hindi kumalam ang ating sikmura. Mabigyan nawa sila ng tamang at makatarungang aksyon sa krisis na ito.
Di sapat ang ayuda, di sapat ang mga simpatya lamang. Dapat ay lapatan na ng agarang aksyon ang krisis na ito upang matuldukan na ang mga hinaing ng mga magsasaka. Gawin nawang prayoridad ang sektor pang agrikultura. Marinig nawa ang kanilang hinaing, sapagkat ang pagtatanim ay hindi isang biro.
Sadyang totoo na ang gawain sa agrikultura ay hindi biro. Kaya’t kailangan itong seryosohin ng gobyerno at ng kapwa nating mga Pilipino sapagkat ang kaunlaran sa agrikultura ay kasama sa kaunlaran ng Pilipinas.
Source: Furry Category
No comments