Header Ads

Pag-alala: Ang buhay at katapusan ng aktor na si si Joel Alano – pumanaw sa edad na 21

  • Si Joel Alano ay isa sa mga kilalang matinee idol noong dekada 80
  • Isang araw noong October 1987, naibalita ang biglaang pagpanaw ng aktor sa edad na 21

Ating balikan ang naging buhay ng dating matinee idol na si Joel Alano.

Si Joseph Emmanuel Custodio Alano ay isinilang noong Disyembre 11, 1965 sa Maynila. Siya ay anak nina Yolly Custodio at Manuel Alano. Panganay siya sa apat na magkakapatid.

Isa si Joel Alano sa mga sumisibol na mahuhusay na aktor noong dekada 80. 

Taong 1979 nang madiskubre sa showbiz si Alano sa edad na 13 taong gulang pa lamang. Una siyang naitampok sa proyektong “Tsikiting Master” na pinagbidahan ng dating ‘action star-turned-politician’ na si Rey Malonzo.

Mas gumanda ang arangkada ng karera ni Alano nang mapasama siya sa Viva Films na “Pati ba Pintig ng Puso” na pinagbidahan ni Megastar Sharon Cuneta, kung saan gumanap siya bilang manliligaw ng aktres na si Jobelle Salvador.

Nabigyan din siya ng pagkakataon na makasama sa pelikulang “Kailan Tama ang Mali” bilang anak ni Dindo Fernando. 

Labinglimang taong gulang pa lamang si Alano nang ituring na siya ng Philippine Movie Press Club bilang ‘Most Promising Actor’ at sa mga panahong iyon ay pinangangalagaan siya ng komedyanteng si Ike Lozada.

Sa sumunod pang taon ay itinambal na siya sa sumisikat din noon na aktres na si Kristine Garcia na kalaunan ay kanyang naging nobya. Mayroon sana silang pagsasamahan na proyekto at ito ay may pamagat na “Too Young,” subalit hindi natuloy.

Si Alano ay kakagawa ng 32 pelikula mula 1979 hanggang 1987. Ilan sa mga ito ay “Blue Jeans”(1981), “Dalaga si misis, Binata si mister” (1981), “PS I Love You”, “School Girls”(1982),”Hanggang sa Huling Bala”(1984), “Pati ba pintig ng puso”(1985), “Blusang Itim”(1986), at pelikulang “The Sisters”(1987) ang nagsilbing huling proyekto ng aktor.

Hindi naman nakatakas sa kontrobersiya si Alano. Ito ay matapos na mailathala sa Peoples Magazine ang kanyang hubad na larawan na tanging unan lamang ang nakatakip sa maselang bahagi ng katawan.

Sinasabing nadiskaril umano ng kanyang pagsikat dahil sa kanyang paghuhubad sa nasabing babasahin dahil sa pagban ng censor sa kaniyang pelikulang “School Girls.” Ngunit ipinagsawalang bahala lang ito ng batikang direktor na si Maryo J. Delos Reyes.

Aniya hindi ito makakaapekto sa pagsikat ni Alano. Nagpatuloy pa nga ang biyaya sa kanya dahil sa pagkakasama niya sa mga proyekto ng mga mahuhusay na direktor ng pelikula.

Noong mga panahong iyon ay napasama siya sa cast ng Regal at Viva Films. Dito na siya idinerek ni Ishmael Bernal sa pelikulang “Ito Ba ang Ating mga Anak” at Direk Lino Brocka para sa pelikulang “Caught in the Act.”

Ilang bigating mga pangalan din sa pelikula at telebisyon ang kanyang nakatrabaho gaya na lamang nina Sharon Cuneta, TonTon Guttierez, Edu Manzano, Charito Solis, Gloria Romero, Maricel Soriano, Albert Martinez, Julie Vega, Eddie Garcia, Gabby Concepcion, Christopher De Leon, Rudy Fernandez at marami pang iba.

Dumating naman sa punto na tila tumamlay at nawalan ng gana ang aktor sa industriya. Balitang kinaharap ng ni Alano ang ilang personal at health issue.

Sa mga panahong ito, mas tumutok si Alano sa kanyang pag-aaral bilang 4th year student sa University of the Philippines sa kursong Mass Communication.

Taong 1987 October 24, nang dumanas ng atake sa puso ang aktor sa may Kamias, Quezon City. Balitang kauuwi lang ng aktor galing bakasyon sa Estados Unidos upang matutukan ang pag-aaral.

Unang naisugod si Alano sa Makati Medical Center subalit sa kasamaang palad ay walang umanong bakanteng kwarto para Intensive Care Unit (ICU), kaya naman dali-daling inilipat ito sa Mandaluyong sa Polymedic General Hospital. Umabot ng tatlong araw ang kanyang pagkaka-coma. Tumutugon naman ang katawan ng actor sa pamamagitan ng paggalaw ng mga daliri at paa nito sa tuwing kakausapin ito subalit hindi na ito nakabawi pa at tuluyan din pumanaw bandang 9:45 ng umaga noong October 27, 1987.

Sa edad na 21 ay namaalam na ang aktor at labis itong kinalungkot ng kanyang mga kapamilya at kasamahan sa trabaho. Inilagak naman ang kanyang mga labi sa Manila Memorial Park sa Paranaque noong November 3, 1987.


No comments

Powered by Blogger.