Header Ads

Beteranang aktres na si Celia Rodriguez awang-awa sa sinapit ni Stella Strada na pumanaw sa edad na 19

  • Beteranang aktres na si Celia Rodriguez naging panauhin sa Youtube channel ni Ogie Diaz
  • Sa panayam, ikinuwento ni Miss Celia ang hinggil sa yumaong sexy star na si Stella Strada
  • Nagkasama umano sila ni Stella sa isang pelikula at nasaksihan nito ang pang-aabuso ng direktor sa sexy star
  • Awang-awa umano ang beteranang aktres kay Stella kaya naman panay ang pakikipag-away nito sa direktor ng pelikula

July 28, 2024 – Naging panauhin ni Ogie Diaz sa kanyang Youtube channel ang iginagalang na beteranang aktres na si Celia Rodriguez.

Sa nasabing panayam, nabanggit ng batikang aktres ang hinggil sa dating sexy star na si Stella Strada. Nagkasama sila ni Stella sa isang pelikula kung saan siya ang gumanap bilang ina nito sa kwento.

Habang ginagawa ang shooting ng nasabing pelikula, maraming napansin si Miss Celia na diumano ay pang-aabuso ng direktor sa sexy actress. Ilang beses niyang pinagsabihan ang direktor (hindi niya pinangalanan) na itigil ang mga ginagawang mali o sobrang pang-aabuso kay Stella.

Halos lahat umano ng eksena ay pinakikialaman ni Miss Celia dahil sa napansing pang-aabuso sa sexy star. Hindi na umano tama ang ipinapagawa ng direktor kay Stella. May hiningi pa umanong eksena ang naturang direktor kung saan papagapangin ang isang malaking ahas sa katawan ng sexy star habang hubo’t hubad. Hindi ito hinayaang mangyari ni Miss Celia at pinagsabihan ang direktor.

Awang-awa si Miss Celia sa sinapit ni Stella.

Nang matapos ang shooting, prangka niyang sinabihan ang direktor na kailan man hindi na siya muli pang makikipagtrabaho rito.

Kalaunan, nabalitaan na lamang ni Miss Celia na tinapos ni Stella ang sariling buhay.

Bunsod nito, hindi naman naiwasan ni Miss Celia na sisihin ang tinukoy na direktor. Sa isang pagkakataon na sila ay nagtagpo sa isang party, prangka niya itong sinabihan ng mga katagang “You killed her, you son of a bitch.”

Sabi ko sa Panginoon… Panginoon, baka kulang ang ginawa ko. But, every scene kaaway ko ang direktor… hanggang kailan ko naman siya aawayin, not for my sake but for the sake of that girl.

‘I was so disgusted with the entertainment world. I was so disgusted with people, awang-awang ako doon sa bata. One month kami d’un ah, awang-awa ako sa bata. That’s why I don’t want to remember that, eh.”


No comments

Powered by Blogger.