Header Ads

Pag-alala: Ang buhay at pagpanaw ng sikat na aktres noon na si Amalia Fuentes

  • Si Amalia Fuentes ay isa sa mga sikat na artista noong nabubuhay pa
  • Namayagpag ang kanyang karera sa showbiz ng limang dekada
  • Siya ay na-stroke ilang buwan matapos pumanaw ng kanyang nag-iisang anak na si Liezyl Martinez
  • Dalawang taon naging bedridden si Amalia bago tuluyang binawian ng buhay

Si Amalia Enriqueta Amador Muhlach o mas nakilala ng karamihan sa tawag na Amalia Fuentes ay kinikilalang “Elizabeth Taylor” ng Philippine showbiz.

Si Amalia ay ipinanganak noong August 27, 1940 sa Maynila. Siya ay panganay sa tatlong magkakapatid. Ang kanyang kapatid na si Alvaro ang siyang ama ng sikat na actor na si Aga Muhlach at si Alex naman ay ama ni child wonder Niño Muhlach.

Sa kanyang kabataan, hindi na maitatanggi ang kakaibang kagandahan ni Amalia. Hindi naman ito maipagtataka dahil ang kanyang mga magulang ay may lahing Spanish, German at Chinese.

Nagsimulang makilala si Amalia noong labing-anim na taong gulang pa lamang ito nang sumali sa patimpalak ng Sampaguita Pictures na “Mr.& Ms. Number One kung saan nasungkit niya ang titulo nito kasama ang kanyang kapareha na si Juancho Guttierez. Matapos nito, nagsimulang magbago ang kanilang buhay nang sila ay sumalang na sa pelikula bilang magkalove-team sa pelikulang “Movie Fan” noong 1956.

Mula rito ay kabi-kabila na ang naging proyekto ni Amalia, kabilang dito ang “Rodora”(1956), “Sonata”(1957), “Pakiusap”(1959),” Ang Senyorito at ang Atsay”(1963) at marami pang iba. Dito na rin nagsimulang ipareha ang aktres sa iba’t ibang leading man tulad na lamang ni Romeo Vasquez na kalaunan ay kanyang pinakasalan noong 1965 sa HongKong.

Nabiyayaan ang kanilang pagmamahalan ng isang anak na babae sa katauhan ng yumaong aktres na si Liezel Martinez na asawa ni Albert Martinez.

Ganun pa man, hindi rin nagtagal ang pagsasama ng dalawa dahil matapos ang apat na taon na pagsasama ay tuluyan rin silang naghiwalay.

Matapos naman ang kanilang diborsiyo ay muling umibig ang aktres at nagpakasal sa isang Amerikanong negosyante sa katauhan ni Joey Stevens, subalit matapos ang 28 taon ay nakipag-diborsiyo rin si Amalia rito dahil sa isyu ng pangangaliwa.

Nagpatuloy ang buhay ni Amalia at kinilala bilang kauna-unahang babaeng artista na naging film producer at gumawa ng mga pelikula sa loob ng mahigit limang dekada. Ilan sa kanyang proyekto kung saan siya ang producer at bidang artista ay ang “Dream Girl”(1965),” Anna Lissa”(1969). Nakasama niya rito ang beteranong leading actors na sina Ronaldo Valdez at Eddie Guttierez.

Dahil naman sa husay umarte ni Amalia ay nabigyan ito ng mga pagkilala at nominasyon kung saan nagwagi ito bilang Mahusay na Aktres sa FAMAS Award noong 1966 sa pelikulang “Ibulong mo sa Hangin”, 1967 sa “Whisper to the Wind” at 1973 Manila Film Festival “Pag-ibig mo buhay ko.” Umabot ng 135 pelikula ang nagawang proyekto ni Amalia sa industriya ng pelikulang Pilipino. 

Dumating naman ang pinakamalungkot na pangyayari sa buhay ni Amalia, at ito ay nang pumanaw ang kanyang nag-iisang anak na si Liezel Martinez dahil sa breast cancer noong 2015. 

Noong parehong taon, 2015, dumanas ng stroke ang beteranang aktres dahilan ng panghihina ng kanyang katawan at hirap sa pagsasalita.

Sa loob ng apat na taon, siya ay nasa pangangalaga ng kanyang mga apo na mga anak nina Albert at Liezyl. Dalawang taon naging bedridden ang aktres bago sumakabilang buhay.

Ayon sa kanyang mga kaanak, taong 2019 October 5, matapos ma-ICU ng apat na araw ay tuluyang pumanaw ang aktres sa edad na 79 dahil sa multiple organ failure.

Dumagsa ang mga kapamilya, kaibigan, katrabaho at mga fans ni Amalia nang ito ay iburol sa Mt. Carmel Church sa Quezon City. Ang kanyang mga labi ay nakalagak sa Loyola Memorial Park.


No comments

Powered by Blogger.