Header Ads

Pag-alala: Ang buhay ng komedyante si Palito

  • Sino nga ba si Palito?
  • Paano siya napasok sa mundo ng showbiz?
  • Ano ang mga pagsubok na kanyang pinagdaanan bago sumakabilang buhay?
  • Ano nga ba ang dahilan ng kanyang pagpanaw?

Si Palito o Reynaldo Alfredo Hipolito sa tunay na buhay ay kilalang beteranong slapstick comedian. Kalakasan niya sa showbiz industry noong 1970s at 80s.

Noong kanyang kabataan, nagpart-time job siya sa isang restaurant bilang isang dishwasher sa bandang Calle Azcarraga na ngayon ay tinatawag nang C.M. Recto Avenue.

Ang nasabing restaurant ay madalas pinupuntahan ng mga artista noong araw. Ang pagiging patpatin ni Palito ay nakatawag ng pansin sa isang film director na nagngangalang Lauro Santiago.

Inalok ni Santiago si Palito na subukan ang pag-arte at kaagad naman itong tinanggap dahil batid niyang bibihira lang magkaroon ng ganitong pagkakataon.

Noong una, paextra-extra muna ang trabaho ni Palito sa showbiz dahil nag-aaral pa siya noon sa Arellano University.

Kalaunan, hindi na rin itinuloy ni Palito ang kanyang pag-aaral at nagdesisyong mas pag-ukulan ng oras ang kanyang pag-arte. Habang tumatagal sa industriya mula sa pagiging extra, napagkatiwalaan siya na gumanap bilang sidekick ng mga sikat na artista tulad na lang ni Jun Aristorenas.

Noong una, mga action films ang kanyang kinagtatampukan pero hindi nagtagal, nabigyan siya ng mga comedy films na mas pumatok sa masa. Noong dekada 80, bumida si Palito sa ilang mga pelikula tulad ng ‘Johnny Rambo Tango’ noong 1985, ‘Rambuto’ noong 1986, ‘No Blood, No Surrender’ noong 1985, ‘James Bone Agent 001’ at ‘Kumander Kalansalay’ noong 1988.

Sa kalakasan ni Palito nang mga panahong ito, siya ay nakapagpundar ng mga bahay, lupain at mga sasakyan. Ganun pa man, unti-unti niya itong ibinenta nang humina ang kanyang karera.

Simula noong 1990, paminsan-minsan na lamang napapanood si Palito ng kanyang mga tagahanga at ito ay kung siya ay naiimbitahan sa mga programang pantelebisyon bilang guest.

Nagkaroon sana siya ng pagkakataong makabalik sa indutriya nang pagbidahan niya ang independent movie na ‘Enter-pool: Senior Citizen in Action’ noong 2005, pero dahil kulang sa marketing, hindi ito umarangkada sa takilya.

Ang kanyang huling pelikula ay may pamagat na ‘Ang Monay’ na pinagbidahan ni Leo Martinez. Ito ay ipinalabas noong 2007.

Makalipas ang tatlong taon, nagkaroon ng problema sa kalusugan ang komedyante dulot ng kanyang bisyo na paninigarilyo.

Noong April 6, 2010, isinugod ang komedyante sa pinakamalapit na ospital mula sa kanilang bahay matapos dumanas ng matinding sakit ng tiyan.

Napag-alaman na lumala na ang sakit niya sa baga. Inilipat siya sa ward ng Philippine General Hospital, kung saan siya na-confine ng ilang araw.

Ipinaalam ng kanyang pamilya sa ilang celebrities ang sinapit ni Palito para humingi ng tulong pinansyal upang matustusan ang mga pangangailan niyang medikal.

Unang nagbigay ng announcement ang drummer at asawa ngayon ni Jolina Magdangal na si Mark Escueta hinggil sa kalagayan ng komedyante.

Magkakilala sina Mark at Palito dahil nagkasama sila noon sa isang proyekto.

Ang naturang post ni Escueta ay dininig naman ng marami sa mga kasamhan nila sa industrya at nagbigay ng tulong pinansyal. Sa katunayn, isa sa mga naging bisita niya sa ospital ay ang dating pangulong Joseph Estrada.

Hindi nagtagal matapos lamang ang isang linggo, tuluyang binawian ng buhay si Palito sa edad na 76 dahil sa lung complication.

Si Palito at pumanaw 7:05 ng umaga noong April 12, 2010. Ang kanyang mga labi ay crinemate. Naulila niya ang kanyang asawa at apat na anak. 


No comments

Powered by Blogger.