Header Ads

Ang buhay at pagpanaw ng sikat na aktres noong 60s at 70s na si Alona Alegre

  • Si Alona Alegre ay isa sa mga sikat na aktres noong dekada 60 at 70
  • Siya ay kabilang sa angkan ng mga Salvador
  • Nang siya ay pumanaw, mismong si Philip Salvador ang nag-asikaso sa kanyang mga labi
  • Ano nga ba ang nangyari kay Alona Alegre

Marahil kakaunti na lamang ang nakakaalala sa noo’y sikat na aktre na si Alona Alegre.

Si Maria Lourdes Jalandoni Salvador o mas nakilala sa screen name na Alona ALegre ay ipinanganak noong January 1, 1948 sa Maynila. Siya ay isang aktres, prodyuser at direktor sa Pilipinas na galing sa malaking angkan ng mga artista.

Isa si Alona sa mga may maamo, magandang mukha at katawan sa industriya ng showbiz noong kanyang kapanahunan.

Siya ay anak ni Luis “Lou” Salvador Sr. at Inday Jalandoni na parehong mga actor din sa teatro at pelikula. Tinatayang umabot sa 102 ang mga anak ni Lou Salvador sa 48 na mga babae. Kabilang sa mga kilalang kapatid ni Alona na pumasok din sa show business  ay sina Lou Salvador Jr., Leroy Salvador, Mina Aragon, Philip Salvador, Ross Rival, Emil Salvador at Jumbo Salvador.

Sa kasalukuyang panahon naman ay gumagawa ng pangalan ang kanyang pamangkin na si Maja Salvador at apo na si Janella Salvador.

Dahil nasa dugo ni Alona ang pagiging aktres ay hindi naging mahirap sa kanya na pasukin ang mundo ng pag-arte. Base sa aming pananaliksik, nag-umpisa si Alona na sumabak sa paggawa ng pelikula sa edad na pitong taong gulang.

Napabilang siya sa cast ng pelikulang gawa ng LVN Pictures na may pamagat na “Tagapagmana” noong 1955. Nakasama niya rito ang kanyang nakatatandang kapatid na si Leroy Salvador. Matapos nito, pansamantalang tumigil si Alona sa pag-aartista upang bigyang pansin ang kanyang pag-aaral. Muli lamang siyang bumalik sa pag-arte noong siya ay tumuntong sa edad labing-anim na taon.

Ipinakilala siya sa pelikulang “Nagbabagang Paraiso” noong 1964. Sa kasagsagan ng dekada sitenta ay dito na unti-unting nagpatuloy at naging mabenta ang kanyang kagandahan sa paggawa ng mga pelikula. Ilan sa kanyang mga nagawa ang mga pelikulang “Sa bawat Pintig ng Puso”(1964), “Tatlong Big Shot”(1965), “Sa Dulo ng Ating Landas”(1966), “Valiente Brothers”(1967), “Killer Patrol”(1968), “Love Letters”(1970), “Desgraciada”(1971), “Nardong Putik”(1972), “Pepeng Agimat”(1973), “Isang gabi sa Iyo, Isang Gabi sa Akin”(1978), “Campus Girls” noong 1995 at marami pang iba.

Sa taglay na kagandahan at alindog ni Alona ay hindi naiwasan na marami ang humanga sa aktres. Siya ay naipareha sa mga kilalang leading men ng showbiz tulad na lamang ni Da King FPJ, Ramon Revilla Sr., Joseph Estrada, Eddie Fernandez at marami pang iba.

Hindi rin matatawaran ng kanyang talento sa komedya nang gumawa siya ng mga pelikula at maipareha sa mga bigating komedyante na sina comedy king Dolphy, Chikito at marami pang iba. Dekada sitenta naman nang sumibol at nauso ang “Bomba Films” at sa kanyang kaakit-akit na katawan ay di-naiwasan na nakagawa rin siya ng ganitong proyekto tulad ng “Sari-saring ibong kulasisi,” “Pang-adults lamang,” “Lalaki, Babae kami,” “Kamandag ng Dagat-dagatan,” “Magkayakap sa magdamag,” “Hayop sa sarap,” at marami pang iba. 

Ilang dekada rin ang ang itinagal ni Alona sa industriya at nakagawa ng higit sa 100 pelikula. Sa kanyang husay, labis siyang hinangaan at nagbunga ito ng dalawang nominasyon sa FAMAS bilang Best Actress para sa pelikulang “Kung bakit dugo ang kulay ng gabi”(1974) at Best supporting actress sa pelikulang “Sa bawat pintig ng puso”(1965).

Sa sobrang kasikatan noon ni Alona ay naipangalan pa sa kanya ang isang lugar sa Bohol.

Taong 1973 nang makatrabaho ni Alona si FPJ at ilan sa mga eksenang nakunan dito ay ang madalas na pamamasyal at paliligo ni Alona sa dagat. Ito ang nagbunsod para tawaging Alona Beach Resort ang naturang lugar sa may Baranggay Tawala, Panglao Bohol. 

Kung babalikan naman ang nakaraan, sinasabing nagkaroon umano ng relasyon si Alona at dating Pangulong Marcos Sr., ngunit wala naman ebidensiya ang makapagpapatunay dito. Si Alona ay kilalang pro-Ferdinand Marcos activist at nakikitang nangunguna sa mga rally partikular sa Plaza Nuestra Señora de Guia sa Ermita, Maynila noong Mayo 1, 1987, At dahil sa kanyang pangunguna sa mga raling ito ay naakusahan siya ng kasong rebelyon ng Northern Police District. Sa parehong taon ay nagkaroon ng alegasyon na siya ay naging bahagi ng pagsakop sa estasyon ng TV na GMA.

Naging makulay din ang kanyang buhay pag-ibig subalit ang ilan dito ay nanatiling haka-haka lamang. Sinasabing nagkaroon ng ugnayan sina Alona at dating PBA cager na si Atoy Co na naglaro sa Crispa. Maugong din ang naging balita na nakarelasyon ni Alona ang actor at tinaguriang “Pretty Boy” ng showbiz na si Romeo Vasquez. Ang dalawa ay napabalitang nanirahan magkasama sa Beverly Hills sa California USA. 

Dumating naman sa punto na natapos na ang buhay at kasikatan ni Alona. 12:58 ng madaling araw December 9, 2018 sa edad na 70 ay pumanaw ang aktres. Ito ay kinumpirma ng kanyang kapatid na si Philip Salvador.

Hindi na idinetalye ng pamilya ang dahilan ng kanyang pagpanaw ngunit ayon sa mga ulat ay naospital ang aktres dahil sa kanyang asthma at kalaunan ay na-cardiac arrest. Ibinurol ang kanyang mga labi sa Marian Memorial Chapel sa Antipolo City.

Dumating sa unang gabi ng burol ang kanyang mga katrabahong actor at mga pamangkin na sina Ricky Rivero, Marco Salvador at Deborah Sun. Ang actor na si Philip Salvador naman ang nanguna sa pag-update tungkol sa pagpanaw ni Alona. Ayon kay Philip, bago pa man pumanaw si Alona hiniling umano nito na i-cremate ang kanyang katawan.

Pumayat at nagkaedad man ang itsura ng aktres sa kanyang pagpanaw subalit lumutang pa rin ang kagandahan ng kanyang mukha. Napagdesisyunan naman ng magkakapatid na Ramon at Philip na i-closed casket na lamang dahil sa sobrang vanidosa ng kanilang kapatid na si Alona.

Noong Disyembre 14, 2018 ang itinakdang cremation  sa Chapel B & C ng Marian Memorial Chapels and Crematory, Inc.


No comments

Powered by Blogger.